Binuweltahan ng kampo ni Nobel Laureate Maria Ressa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) nang pagpapagamit umano sa politika noong Duterte administration, kaya sila idiniin sa kaso.
Ito ay ginawa ng panig ni Ressa, matapos pinawalang-sala sila ng First Division ng Court of Tax Appeals (CTA) sa tangkang pag-iwas sa pagbabayad ng buwis na aabot sa P70 million.
Kasama ni Ressa sa tax evasion case ang Rappler Holdings Corp. (RHC).
Enero 2018 nang simulan ng BIR ang imbestigasyon sa Rappler at kay Ressa.
Nagsabi ito noong Marso 5, 2018, na sisilipin ang mga dokumento ng kompanya. Ngunit tatlong araw lamang ang nakalipas, inanunsiyo ng BIR na nagsampa na ito ng tax evasion complaint laban sa kompaniya.
Nobyembre 2018, nagsampa ng kaso sa Court of Tax Appeals ang BIR at ang Department of Justice (DoJ).
Pero nitong nakaraang araw ay naglabas ng resolusyon ang tax court na nagbabasura sa reklamo dahil sa kakulangan ng basehan para idiin ang Rappler Holdings at si Ressa.