-- Advertisements --

Sumasailalim na sa tactical interrogation sa Camp Crame sa PNP headquarters sina P/Supt. Maria Cristina Nobleza at ang umano’y boyfriend nitong Abu Sayyaf member na si Reener (Ren Ren) Dongon.

Bandang alas-10:00 ng umaga kaninang ng dumating sa Camp Crame ang dalawa mula sa NAIA Terminal III.

Dakong alas-8:00 ng umaga umalis sa Tagbilaran, Bohol sina Nobleza at Dongon sakay sa isang commercial flight.

Kaagad idiniretso sina Nobleza at Dongon sa PNP Directorate for Intelligence headquarters.

Nakasuot na kulay blue polo na checkered si Nobleza habang nakaitim na polo naman na t-shirt si Dongon.

Si Nobleza ay kabilang sa naaresto sa isang checkpoint sa Bohol dahil sa tangka nitong pag-rescue umano sa isang ASG member na sugatan sa huling engkwentro sa Brgy. Clarin, Bohol.

Napag-alaman din na si Nobleza ay nakikipagsabwatan at protektor umano ng bandidong grupo.

Sa kabilang dako, kinumpirma ni Nobleza kay Dela Rosa na pabalik na ng bansa ang asawa ng babaeng police cononel.

Alam din daw ng mga ito na kasalukuyang police attache sa Pakistan si Mr. Nobleza.

Kinumpirma ni Dela Rosa na nadestino sa intelligence group si Supt. Nobleza pero hindi siya deep penetrating agent.

Kagabi sinalakay ng mga otoridad ang bahay ni Nobleza sa Malaybalay, Bukidnon kung saan narekober ang iba’t ibang armas, bomb components, at mga dokumento kaugnay sa umano’y mga planong terroristic activities ng bandidong grupo.

Isang Al Mohammar at dalawang minors ang nadatnan sa bahay nang pasukin ito ng mga otoridad.

Sa Panglao beach sa Bohol, ni-raid din ng mga police ang pansamantala nitong tinirhan kung saan nakarekober din ng bomb making materials.