-- Advertisements --

DAVAO CITY – Hustisya ang sigaw ng pamilya ng 18 anyos na dalagang nakita na lamang walang buhay sa may dalampasigan ng isang beach resort sa Dahican, Mati City, Davao Oriental.

Malaki ang paniniwala ng pamilya ni Katherin Cabiling na ang nobyo mismo ng dalaga ang responsable sa pagkamatay nito.

Ayon sa ama ng biktima na si Richard Cabiling, sinasabing nakita pa umano nila ang mga mensahe ng suspek at ng kanyang anak sa messenger na nagsisilbi nilang ebidensya.

Napag-alaman base sa nasabing mensahe na inaya ng suspek si Katherin na puntahan siya sa dalampasigan at nag-reply pa ang biktima na pupunta ito basta lamang hindi sya gagalawin nito.

Sinabi rin ng pinsan ni Katherin na si Cherjan Dulano na napilitan lamang umano ang biktima na makipagrelasyon sa suspek dahil sa pangba-blackmail nito sa pamamagitan ng mga malalaswang mga larawan at videos umano ni Katherin na hawak ng suspek.

Nakaranas din umano ng pang-aabuso si Katherin sa kanyang nobyo mula pa noong Nobyembre ng nakaraang taon na naging rason ng mainit na komosyon sa pagitan ng pinsan ng biktima at ng suspek.

Una na umanong nagbitaw ng salita ang nobyo ni Katherine na may mangyayaring hindi maganda kung makikipaghiwalay ang dalaga sa kanya.