Tiniyak ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa publiko na susuriin nang maigi ng pamahalaan ang mga COVID-19 vaccines upang masiguro ang pagiging ligtas at mabisa nito bago mag-umpisa ang immunization program.
Pahayag ito ni Nograles sa gitna pa rin ng mga agam-agam kaugnay sa bisa ng mga ituturok na bakuna.
Ayon kay Nograles, na siya ring pinuno ng Inter-agency Task Force (IATF), gagamit ang gobyerno ng mga standards na hiniram sa ibang bansa kaugnay sa ebaluwasyon ng lahat ng mga bakuna laban sa coronavirus na bibilhin ng bansa.
“Before any vaccine gets the approval of the [Food and Drug Administration], there is still a [Department of Science and Technology] Vaccine Expert Panel (DOST-VEP) that will study all of the data,” wika ni Nograles.
“[They] will pass through the VEP, then the FDA; and then the FDA will take a look at all these clinical studies, and all of the data possessed by the pharma companies,” dagdag nito.
Sinabi pa ng kalihim, inobliga rin ng Food and Drug Administration ang Sinovac at iba pang mga pharmaceutical companies na magsumite ng Emergency Use Authorizations (EUAs) mula sa ibang mga bansa.
Sa Pilipinas, binigyan na ng EUA ang Pfizer at AstraZeneca, habang nakabinbin pa ang aplikasyon para rito ng Sinovac at Gamaleya.
Paglalahad ni Nograles, sa oras na mabigyan na ng EUA at maipamahagi na ang mga bakuna, imo-monitor naman ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng Adverse Effect Following Immunization Committee upang siguruhin na ligtas at epektibo ang mga ito.
Target ng gobyerno na mabakunahan ang nasa 50-milyong katao laban sa COVID-19 bago matapos ang taon.