Inatasan na umano ang mga local government units (LGUs) na magsumite ng listahan ng mga benepisyaryo para sa ibibigay na cash assistance ng gobyerno para sa mga apektado ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ito na raw ang umpisa ng P200-billion subsidy program ng pamahalaan na target mabigyan ng ayuda ang nasa 18-milyong low-income households.
Bahagi aniya ito ng Bayanihan To Heal As One Act na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong nakaraang linggo.
“Each family, depending on the minimum wage in their respective regions, will receive subsidies ranging from 5,000 to 8,000 pesos,” wika ni Nograles.
Hinimok naman ni Nograles ang publiko na makipagtulungan sa kani-kanilang mga LGUs at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa benepisyong matatanggap nila sa ilalim ng Social Amelioration Program.
Sinabi ni Nograles, abangan lamang daw ang hudyat ng mga LGUs kaugnay sa pagsisimula ng pamamahagi ng naturang benepisyo.
“Hintayin lamang po ang hudyat o anunsyo ng inyong mga LGU hinggil sa takdang pagsisimula ng pamamahagi ng benepisyong ito,” ani Nograles.
Sa kanila namang Facebook page, sinabi ng DSWD na ipapamigay ng mga LGUs ang social amelioration card (SAC) forms sa kanilang mga nasasakupan sa pamamagitan ng “house to house basis.”