-- Advertisements --

Inanunsyo ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na ilalabas ng Inter-Agency Task Force on Zero Hunger ang National Food Policy (NFP), na layong tugunan ang problema ng bansa sa kagutuman, sa Oktubre 16.

“Sinasabi po ng lahat ng eksperto ng mundo… kasunod ng COVID-19, ang sunod po nating problema ang problema ng kagutom at problema ng poverty and hunger,” wika ni Nograles.

Nitong Enero nang itatag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang task force na lilikha sa NFP, na babalangkas sa mga prayoridad at roadmap ng gobyerno sa pagkamit ng “zero hunger” pagsapit ng 2030.

“Yung National Food Policy dapat naka-map out po diyan sa National Food Policy natin lahat ng mga strategies, programs, activities, projects, and policies natin, lahat ng polisiya natin na may kinalaman sa pagtugon sa problema ng kagutuman,” paliwanag ni Nograles.

Dagdag ng kalihim, magpapatuloy pa rin ang planong pag-abot sa zero hunger kahit may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

“Ako, ang tingin ko diyan is all the more kailangan natin ituloy. Syempre ang tanong ng iba, kaya pa ba ang zero hunger by 2030… but, again, ano gawin natin? Alangan naman tumigil tayo. Kailangan subukan pa rin natin,” anang opisyal.

“Kahit na may kinakaharap tayo na ganitong challenge ay dapat pa rin nating isulong ‘yung assignment natin na ganito ang committment natin.”

Ayon pa kay Nograles, saklaw sa NFP ang food production, food availability, food accessibility, nutritional aspect, food resiliency, people’s participation, maging ang polisiya.

Kabilang sa mga kasapi ng task force ang mga kalihim ng Social Welfare, Agriculture, Agrarian Reform, Budget and Management, Education, Environment and Natural Resources, Health, Labor and Employment, Interior and Local Government, Trade and Industry, Science and Technology at Communications departments.