Nagpahayag umano si North Korean leader Kim Jong-un na bukas itong muling manumbalik ang communication hotline sa South Korea sa posibilidad ng reconciliation sa pagitan ng dalawang bansa.
Ginawa ni Kim ang naturang pahayag sa ginanap na taunang parliament session sa Pyongyang.
Nais ni Kim na ibalik daw ang communication lines ng North Korea sa South Korea sa unang bahagi ng Oktubre pero nakadepende aniya ito sa magiging pakikitungo ng South Korean authorities.
Kasunod na rin ito ng naging statement ng kaniyang kapatid na si KimYo-Jong, na siya ring Deputy Department Director ng Publicity and Information Department of the Workers’ Party of Korea (WPK) noong nakalipas na linggo na matatapos lamang aniya ang ilang dekadang giyera kung wawaksan ng South Korea ang “double-dealing attitudes” nito at “hostile policies.”
Sa kasalukuyan, wala pa ring peace agreement sa pagitan ng dalawang bansa mula ng magtapos ang Korean war noong 1953.