-- Advertisements --

WASHINGTON – Ibinunyag ng mga intelligence agencies sa South Korea na may nakita umano silang senyales na binabalik umano ng North Korea ang bahagi ng isang missile launch site na una na nilang sinira.

Ito’y kahit na nangako si North Korean leader Kim Jong-un na kanilang babaklasin ang naturang mga facility sa naging pulong nila ni US President Donald Trump noong nakaraang taon.

Batay sa ulat, sinabi umano ng mga mambabatas sa South Korea na batay sa briefing sa kanila ng National Intelligence Service, inayos umano ang bahagi ng bubong at pinto ng pasilidad sa Tongchang-ri launch site.

Matatandaang noong US-North Korea summit sa Singapore noong Hunyo 2018, sinabi ni Trump na nangako ang North Korean leader na sisirain na raw ang isang pangunahing missile engine testing site sa lalong madaling panahon.

Sa hiwalay namang summit ni Kim kay South Korean President Moon Jae-in noong Setyembre, sinabi nito na kanila nang isasara ang Sohae Satellite Launching Ground.

Papayagan din daw nito ang mga international experts na panoorin ang pagsira sa missile engine-testing site at sa isang launch pad. (Reuters)