-- Advertisements --

Kinumpirma ng North Korea sa unang pagkakataon na nagpadala ito ng mga sundalo sa Russia bilang suporta sa giyera nito sa Ukraine.

Sa isang statement, sinabi ng Central Military Commission ng ruling Worker’s Party na nagpasya si North Korean leader Kim Jong-un na magpadala ng kanilang combat troops sa Russia sa ilalim ng mutual defense treaty.

Base din aniya sa NoKor leader, layunin ng pagpapadala ng kanilang mga sundalo na lipulin at mapuksa ang neo-Nazi occupiers sa Ukraine at mapalaya ang Kursk region sa pakikipag-tulungan sa Russian armed forces.

Tinawag din ni Kim bilang mga bayani at kinatawan ng kadakilaan ng kanilang bansa ang mga nakikipaglaban para sa hustisiya.

Matatandaan, noong Marso, iniulat ng South Korean military na nagpadala ang NoKor ng 3,000 karagdagang tropa sa Russia sa unang bahagi ng 2025 matapos i-deploy ang kanilang mga sundalo sa Russian-Ukraine fronts kung saan marami sa kanila ang nasawi.

Base sa Joint Chiefs ng SoKor, tinatayang nasa 4,000 sundalo ng North Korea ang napatay o nasugatan.