-- Advertisements --

Naglunsad ang North Korea ng ilang ballistic missiles mula sa kanlurang baybayin nito, ayon sa ulat ng South Korean military.

Ang mga pag-atake ay naganap ilang oras matapos simulan ng South Korea at U.S. ang kanilang taunang joint military exercises, na tinitingnan ng North Korea bilang isang paghahanda umano sa isang invasion.

‘Walang karagdagang detalye ang ibinigay ng militar ng South Korea tungkol sa mga missile launches, ngunit ito ay nagdulot ng pag-aalala, lalo na’t naganap ito sa gitna ng tumitinding tensyon dulot ng mga military drills sa rehiyon.

Samantala ang pagsasanay ay bahagi ng modified na ”Freedom Shield”, isang pinagsamang computer simulations at field training na magtatagal hanggang Marso 20.

Ang ”Freedom Shield” ay ang unang malakihang joint exercise mula nang magsimula ang ikalawang termino ni U.S. President Donald Trump.

Kinondena naman ito ng North Korea at tinawag na isang “mapanganib na hakbang” ang nangyayaring pagsasanay na nagpapataas umano ng panganib sa digmaan.

Maalalang natigil ang live-fire training ng Estados Unidos at SoKor dahil sa nangyaring insidente kung saan aksidenteng naibagsak ng South Korean KF-16 fighter jets ang mga bomba sa isang civilian area sa Pocheaon, South Korea malapit sa border ng North Korea.

Paliwanag naman ng SoKor Air Force nagkamali lang umano ang isa sa mga piloto ng KF-16 sa pag-enter ng maling coordinates para sa target ng pangbobomba. Ang pangalawang piloto, na may tamang coordinates, ay sumunod lamang aniya sa instruction at hindi napansin ang error.

Sa kabila ng mga ito tiniyak ng militar ng South Korea na magpapatuloy ang live-fire exercises matapos nilang matapos ang imbestigasyon at maglatag ng mga hakbang upang maiwasan maulit muli ang insidente.

Samantala hinimok naman ni Trump si North Korean leader Kim Jong Un na buhayin muli ang diplomasya, ngunit hindi pa tumugon si Kim sa alok ni Trump.