Pinangunahan kaninang umaga ni Northern Luzon Command chief MGen. Emmanuel Salamat ang aerial inspection sa Cordillera region kung saan nadiskubri ng heneral na maraming insidente pa ng landslide ang naitala sa lugar bukod pa sa landslide sa Natonin.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Nolcom chief Maj. Ericson Bulosan, ang earial inspection ay bahagi ng rapid disaster management assessment upang mabatid ang lawak ng danyos dulot sa nangyaring landslide sa Natonin.
Sa ngayon kasi nakatutok ang search and retrieval operations sa Natonin, Mountain Province kung saan nasa 14 na mga survivors ang narescue habang apat na cadaver ang narekober.
Sa ngayon ginagamot na ang 14 na mga survivors na nagtamo ng mga sugat sa katawan.
Iniulat ni Bulosan, na na-clear na ng mga tropa ng 54th Infantry Battalion (54IB) na pinamumunuan ni Ltc. Narciso Nabulneg ang daan mula Tabuk, Kalinga patungong Paracelis sa Mt. Province.
Sa ngayon, nakatutok ang 54IB sa pag-clear ng Paracelis patungong Natonin road.
Magugunitang inisyal na nahirapan ang mga responders na makarating sa Natonin kung saan natabunan ng mudslide ang gusali ng DPWH District 2, dahil sa apektado ng landslides at baha ang mga daanan patungo sa lugar.
Dagdag pa ni Bolusan na nakarating na sa Natonin kahapon ang anim na Search, Retrieval and Rescue (SRR) Teams mula sa 525th Engineer Combat Battalion para tumulong sa paghahanap sa mahigit 20 kataong na-trap sa natabunang gusali.