Tuluyan nang kinansela ng Commission on Elections (Comelec) ang nomination bilang party-list representative ng Duterte Youth sa 18th Congress ni Ronald Gian Carlo L Cardema.
Sa botong 2-0 ng Comelec first division, tuluyan nang tinanggal ang pangalan ni Cardema na first nominee bilang kinatawan ng Duterte Youth.
Kabilang daw sa mga bumoto para kanselahin ang nominasyon ni Cardema sina Comelec commissioners Rowena Guanzon at Marlon Casquejo habang si Comelec Commissioner Al Parreño ay hindi nakaboto dahil wala ito sa en banc dahil sa official businesses.
Una rito, may mga grupo at indibidwal na naghain ng reklamo sa Comelec para kanselahin ang nominasyon bilang nominee ng Duterte Youth si Cardema.
Kabilang sa inireklamo ang last minute na pag-substitute nito at ang edad nitong 34-anyos na hindi na pasok bilang criteria na maging kinatawan ng youth sector.
Base sa Republic Act No. 7941 o ang Party-List System Act, ang edad ng mga nagnanais maging representatives ng youth sector ay dapat 25 hanggang 30-anyos lamang.
Pero hindi mas matanda sa 30-anyos sa mismong araw ng halalan.