-- Advertisements --

Hindi na umano tatanggapin ang mga persons under monitoring (PUM) na hindi residente ng Cebu at may travel history sa China na darating sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA).

Sa inilabas na pahayag ni Cebu Governor Gwen Garcia, sinabi nito na sa oras na dumating sa MCIA ang isang PUM ay dapat itong bumiyahe kaagad pabalik sa kanilang lugar at huwag nang manatili pa sa Cebu.

Sa kasalukuyan ay wala pa umanong PUM na hindi Cebuano ang nananatili sa lalawigan matapos makaalis at makabalik sa kanilang sariling mga lugar noong Huwebes at Biyernes ang 21 katao na hindi nagpasailalim sa quarantine.

Kabilang ito sa 78 Pilipino na nakabalik ng bansa galing Taiwan nitong Martes.

Nauna rito, nagreklamo ang mga non-Cebuano PUM dahil kulang umano ang suplay ng tubig at hindi stable ang kuryente sa pasilidad na nasa Brgy. Busay nitong Lungsod.

Inamin naman ito ni Garcia na wala pang koneksyon sa tubig ang pasilidad ngunit panay naman silang nagpapadala ng tubig gamit ang water tank.

Bukod dito, mayroon din itong sariling power generator at dalawang janitor na nagpapanatili ng kalinisan ng pasilidad.