-- Advertisements --
Atty. Barry Gutierrez
IMAGE | Atty. Barry Gutierrez, spokesperson, Vice President Leni Robredo/Screengrab, OVP

Bukas pa malalaman kung tatanggapin ba o hindi ni Vice Pres. Leni Robredo ang appointment sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ito ang kinumpirma ngayong gabi ng tagapagsalita ng pangalawang pangulo na si Atty. Barry Gutierrez matapos totohanin ng Malacañang ang banta nitong pagtatalaga kay Robredo bilang drug czar.

Pero may tatlong bagay umano na hindi malinaw para sa Office of the Vice President (OVP), gaya ng pagiging “non-existent” ng pwestong co-chairperson sa Executive Order ng pangulo at kawalan ng tiwala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Aaron Aquino sa kakayahan ni Robredo.

“Una, very clear na yung co-chair, pa tiningnan mo yung Executive Order No. 15 ay hindi nage-exist yung posisyon under the EO itself so hindi namin kung alam paano reremedyohan dahil wala namang naka-attach na any amendment (to the EO) doon sa memorandum na pinadala,” ani Gutierrez.

“Pangalawa nagulat kami na instead of being designated bilang drug czar o head ng buong operasyon, ay siya (Robredo) ay co-chair at yung kanyang co-chair ay yung head ng PDEA na ang ranggo ay isang undersecretary.”

“Bukod dito the very same person na head ng PDEA, si Usec. Aquino, ay kahapon lamang ay nagsalita na wala raw karanasan si VP Leni rito at ineexpect niyang siya ay magfe-fail. So paano ka naman magkakaroon o ita-take namin seriously itong offer kung yung mismong magiging co-chair niya sa committee, ay kahapon lang nagpahayag na hindi daw siya naniniwala sa magiging co-chair nya.”

Kung maalala, tahasang sinabi ni Aquino nitong Linggo na wala siyang tiwala na magagampanan ni Robredo ang tungkulin bilang lider na in-charge sa drug war.

“Pangatlo, kapag binasa mo yung EO 15 talagang implementation lang ito ng polisiya. Wala itong control o supervision over the 41 agencies included in the ICAD. Hindi ito sa tingin namin kina-capture yung original na sinasabi ng pangulo dito sa usaping ito.”

Hindi kumbinsido ang OVP sa sinseridad ng pagtatalaga ng pangulo sa bise nito na tila taktika umano ng administrasyon para iasa sa lider ng oposisyon ang pangako noon ni Duterte na pagkubokob sa illegal drugs.

“Klaruhin muna namin. Malinaw na malinaw na sa pagpadala nitong klaseng designation after 3 and half years na si Pangulong Duterte ang namumuno mismo sa anti-drug campaig, na ito ay pagtanggap na mayroon talagang kakulangan. Kaya ngayon lumalapit kay VP Leni para siya na ang gawing co-chair ng ganitong klaseng komite. Pero klaro din from yung natanggap naming memorandum na medyo walang kalaman-laman itong inaalok na posisyon na to,” ani Gutierrez.

“Pero ganon pa man, kahit mukhang hindi seryoso ang Malacanang dito sa pinadalang memorandum kay VP Leni nitong hapon, seryoso siya (Robredo) dito sa usapin ng iligal na droga. Seryoso siya na kailangan itong ayusin; matigil ang mga pagpatay ng mga inosente. Seryoso siya na yung pang-aabuso na lumalabas na mga imbestigasyon na nangyayari sa course ng drug war na ito ay dapat itigil; at seryoso siya na ang mga dapat habulin ay yung mga malalaking sindikato ng droga at hindi yung mga maliliit na mamamayan na nagiging biktima ng kampanyang ito.”

“At dahil seryoso siya dito, bukas siya ay magbibigay ng pahayag tungkol nga dito sa usapin ng drug war at ano yung tingin nyang direksyon na dapat puntahan nito sa darating na mga taon na naiiwan sa termino ng pangulo at ni VP Leni.”