Desidido si Vice Pres. Leni Robredo na panindigan ang pagtanggap sa posisyong co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) sa kabila ng umano’y iregularidad sa memorandum na nagtalaga sa kanya sa pwesto.
Ito ang sinabi ng kanyang spokesperson na si Atty. Barry Gutierrez matapos nitong sabihin kahapon na “non-existent” sa ilalim ng Executive Order No. 15 ang posisyong co-chair ng ICAD na binigay kay Robredo.
“At actually hanggang ngayon tingin namin, there were certain aspects of iyong designation which seemed to need further action on their part. In-admit as much ni Executice Sec. (Salvador) Medialdea kanina noong sinabi niya na, “Kapag tinanggap ni VP, sige, i-a-amend natin iyong EO.” So actually, iyong sinasabi ni Secretary Panelo mula kagabi na hindi na kailangan ng EO, hindi na ako ang kumo-correct sa kaniya, sariling Executive Secretary na niya ang nagsasabi,” ani Gutierrez.
Hindi man tahasang sinagot ng tagapagsalita ang tanong sa kung anong nag-udyok kay Robredo para tanggapin ang pwesto, iginiit nito na sapat ng pagkatiwalaan ang kahandaan ng bise na tumulong sa anti-drug war campaign ng gobyerno.
“Pero sa dulo, ang pinakaimportante, iyong binanggit ni VP Leni kanina, which is “I’m willing to set aside lahat ng mga technicalities na iyan, I’m willing to set aside lahat ng sinasabi na political lang ito, I’m willing to set aside even iyong apparent insincerity of this offer, to take on itong challenge na ito, dahil tingin ko puwede akong makatulong sa mga tao. Tingin ko, kung puwede akong magligtas ng kahit isang buhay, gagawin ko.” So iyon ang kaniyang gagawin. What happens in the next few days, actually bahala na iyong administrasyon diyan. We will see kung talagang seryoso sila sa kanilang mga sinasabi.”
Umaasa rin daw ang kampo ng bise na tapat ang presidente nang sabihin nito na bibigyan niya ng buong kapangyarihan si Robredo para pamunuan ang kampanya.
“According to the President, he is giving the Vice President the lead in this. He is asking the agencies to fully support and cooperate with her. Kung hindi sila susunod, pananagutan nila iyon, ‘di ba? Basta kami, iyon ang aming pinanghahawakan. She will do what she can para maisulong iyong kaniyang gustong maisulong dito, which is to stop ang pagpatay ng mga inosente.”