-- Advertisements --
DOTR JAIME BAUTISTA

Umapela ngayon ang grupo ng “Ani Kalikasan” kay Pangulong Ferdinand “Bongbong Marcos Jr at sa tanggapan ni Senate President Juan Miguel Zubiri upang kalampagin ang pamunuan ng Department of Transportation.

Ito’y may kaugnayan sa paglalabas ng DOTr ng isang Department Order No. 2023 008 na kung saan pinahihintulutan ng naturang kautusan ang mga Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) na magsagawa ng pagsusuri sa roadworthiness ng mga sasakyan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Ani Kalikasan President Jun Evangelista , malinaw na isa itong uri ng pambabastos sa mga senador dahil may committee report na inilabas ang senado sa pangunguna ni Senador Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Service, kung saan lumalabas sa pagdinig nito noong Pebrero 16 ,2021, na pinasususpinde at pinabubuwag ang operasyon ng PMVIC dahil walng isinagawang konsultasyon sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at sa stakeholders.

Ipinagtataka ng grupo kung bakit pilit na isinusulong ng Department of Transportation ang PMVIC samantalang walangbatas na binuo para pangasiwaan nila ang roadworthiness ng mga sasakyan at tanging Department Order ang ginawa noong nakalipas na administrasyon.

Giit ng grupo sa Senado ma imbestigahan muli ang hakbang na ito ng DOTr dahil taliwas aniya ang nakasaad sa Department Order sa tunay na nangyayari sa testing centers ng PMVIC.

Ito ay dahil nakasaad sa D.O. na sinusuri lahat ang mga piyesa ng sasakyan para mapatunayan na pasado sa roadworthiness, ngunit kung  susuriin mismo , ang ginagawa lamang ng PMVIC ay ang emission test dahil ang mga gamit nilang equipment ay obsolete o  luma na ang isinasalang na aparato sa sasakyan at hindi ito akma sa mga modelo sasakyan at I.T provider ng Land Transportation Office  (LTO).

Bunga nito, lumalabas aniya sa aparato na ERROR at para lumabas na pasado ay gagawan ng paraan ng PMVIC para masabing  pasado ang sasakyan sa roadworthiness.