Maaari nang mag-aplay at mabigyan ng Digital Nomad Visa (DNV) ang mga non-immigrant foreigners o mga dayuhang nagpa-planong bumisita at manatili sa Pilipinas habang nagta-trabaho.
Ito ay batay sa Executive Order No. 86, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ilalim ng nasabing EO binigyan ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. ng awtoridad ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maggawad ng Digital Nomad Visa sa mga nasabing dayuhan na may remote work gamit ang digital technology, at may mga kliyenteng naka-base sa labas ng Pilipinas.
Inaatasan din ang DFA na maglunsad ng database ng DNV holders para mabantayan ang kanilang aktibidad at pananatili sa bansa.
Qualified na mag apply ng DNV ang mga non-foreign immigrants na may edad 18 years old pataas, may pruweba ng remote work gamit ang digital technology, may sapat na kita o sahod, walang criminal record, at mayroong health insurance na sapat para sa buong panahon ng kanyang pamamalagi sa bansa.
Nakasaad sa EO maaari lang mag-aplay ng DNV ang mga dayuhan mula sa bansang nag-aalok din ng DNV sa mga Pilipino at mayroong Foreign Service Post ng Pilipinas; hindi banta sa pambansang seguridad ng bansa, at hindi employed sa kahit anong kumpanyang naka-base sa Pilipinas.
Hanggang isang taon ang validity ng DNV, na maaaring i-renew at aplayan ng multiple entry.