VIGAN CITY – Itinatag ngayon ang isang grupo na tinawag na “Act As One Philippines” para makapagbigay ng tulong sa mga ospital sa kalagitnaan ng krisis sa bansa dahil sa COVID- 19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor, sinabi nitong ang naturang grupo ay walang halong pulitika at ang tanging hangarin ng nasabing grupo ay makapagbigay ng tulong sa mga ospital sa kalagitnaan ng nasabing krisis.
Aniya, pumayag din umano ang University of the Philippines na magsilbing tanggapan ng mga donasyon para sa mga ospital na target na matulungan ng nasabing grupo kagaya na lamang ng Lung Center of the Philippines, Research Institute for Tropical Medicine at National Kidney Transplant Institute.
Sa ngayon, humigit-kumulang na 7,000 na personal protective equipment (PPE) na ang naibigay ng grupo sa mga hospital-beneficiaries iba pa ang 15,000 na face masks.
Maliban sa mga nasabing tulong, nagpatayo rin umano sila ng malaking tent sa Lung Center of the Philippines at isang dormitoryong maaaring tulugan ng mga health care worker sa UP Diliman.
Gayunpaman, inaasahan rin ni Defensor na sa lalong madaling panahon ay makapagtatayo na sila ng isang pasilidad para sa mga person under investigation, person under monitoring at para sa mga mayroong mild symptoms na nangangailangan ng medical attention ngunit hindi na kailangan pang manatili ng matagal sa ospital.