Binigyang-linaw ngayon ng Negros Oriental Provincial Hospital ang isyung kumalat sa social media sa mga nakalipas na araw kung saan may mga larawan na nasa labas na ng pagamutan ang ilang mga pasyente.
Ayon sa inilabas na pahayag ng pamunuan, resulta pa ito ng biglang pagtaas sa mga kaso ng dengue na umano’y malaking kontribyutor kaya tumaas din ang bilang ng mga pasyenteng dinala at inilipat sa naturang ospital.
Agad pa umanong binigyang-atensyon ang mga pasyenteng nasa labas matapos naihanda ang mga karagdagang higaan.
Nasa 250 lamang ang kapasidad ng naturang pagamutan ngunit batay pa sa kanilang inilabas na data as of August 21, umabot na sa 517 ang mga pasyente.
Samantala, sa pagbisita sa pagamutan ni Gov. Manuel Chaco Sagarbarria, direkta itong nakipag-ugnayan sa mga medical at admin staff upang makakuha ng mga insight sa mga hamon na kinakaharap sa gitna ng tumataas na mga kaso ng dengue.
Agad pang ipinag-utos ni Sagarbarria ang pag-set up ng mga karagdagang canopy at gamitin ang natitirang mga silid kasabay ng pagtitiyak nito sa publiko na pabilisin ang pagtatayo ng New Medical City.
Ayon pa kay Provincial Administrator Atty. Arthur Fran Tolcidas, hindi nagkakaroon ng anumang kakulangan sa suplay ngunit sa pagkakataong ito ay marami lang mga pasyenteng dapat asikasuhin.
Aniya, may mga inilagay ng mga extra beds sa pasilyo at sa bisinidad ng gusali para ma-accomodate ang lahat ng mga pasyente.
Ibinunyag pa ni Tolcidas na ang iba pang mga pagamutan sa lalawigan kabilang ang mga pribadong ospital ay tinanggihan na rin ang mga pasyente dahil sa kakulangan ng mga tauhan.
Idinagdag pa nito na mali pa umanong sabihin na hindi pinalakas ang 7 district hospitals dahil parehong nahaharap din umano ang mga ito ng dengue outbreak nang higit sa karaniwang mga sakit.