CEBU – Halos nasa 70 aircraft na ang nakapasok at nakalabas ng Mactan-Cebu International Airport (MCIA) matapos na binuksan ang pinaikling runway bandang alas 5 kaninang umaga.
Sa isang press conference, inihayag ni Atty. Glenn Napuli, ang assistant general manager ng MCIA, na kahit muli na nilang binuksan ang departure at arrival, pu-pwede lang ang nasabing operasyon mula alas 5 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon.
Sa nasabing numero, 36 nito ang departure at 26 ang arrivals.
Ayon kay Atty. Napuli, nagsimula ang operasyon ng paliparan ngayong araw, hanggang sa susunod na 14 na araw.
Aniya, ipagpapatuloy nila ang kanilang 24/7 na operasyon kung maaalis na ang eroplano ng Korean Air na nag-overshot sa runway ng MCIA, at matapos nilang maayos ang mga ilaw na nasira ng aircraft.
Kaugnay nito ay tinatayang maibalik ang normal operation ng paliparan sa buwan pa ng Nobyembre.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang clearing operation at kinakailangan na mapalayo nila ang nasabing aircraft, 200-meters mula sa runway para sa kaligtasan ng mga papasok at palabas na mga eroplano.