-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Lumobo pa ang bilang ng mga nagpositibo sa Coronavirus Disease (Covid-19) sa rehiyon-12.

Batay sa pinakahuling datus ng Department of Health-12, may 267 pang mga pasyente ang naitala dahilan para maging 14,733 na ang total coronavirus infections sa Soccsksargen.

Biglang sumirit at nanguna ngayon ang probinsya ng Cotabato sa may pinakamaraming bilang ng bagong kaso na umabot sa 102, sinundan ng General Santos City na mayroong 75 covid infections, South Cotabato na may 51 new cases, Sultan Kudarat 39 habang ang Sarangani ay may isang bagong kaso.

Gumaling naman ang 255 pang mga pasyente.

Sa nabanggit na bilang, 138 ang mula sa South Cotabato, parehong may 40 ang gumaling sa North Cotabato at General Santos City, 19 sa Sarangani at 18 naman sa Sultan Kudarat.

Dahil dito, pumalo na sa 11,182 ang total recoveries sa rehiyon.

Namatay naman ang pito pang mga pasyente.

Tatlo sa mga nasawi ay taga Koronadal City, dalawa sa General Santos City at kapwa tig-iisa ang binawian ng buhay sa Tacurong at Carmen sa North Cotabato.

Dahil dito ay tumaas pa ng hanggang 439 ang total death cases.

Habang ang aktibong kaso ay umakyat pa sa 3,110.