-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Mistulang balik umano sa square one ang North Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) matapos ang pagyanig ng 6.6 magnitude na lindol kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay North Cotabato PDRRMO head Mercy Forunda, sinabi nito na dumami na naman ang mga apektadong mga mamamayan na nangangailangan ng tulong emosyunal, sikolohikal at materyal kasunod ng naturang pagyanig.

Nakapagtala rin sila ng casualties sa bayan ng Arakan kung saan natabunan ng bato ang mag-ama habang nagsasaka at mayroon din sa bayan ng Makilala.

Labis ring napinsala ang Daig Elementary School at barangay hall sa Brgy Daig.

Samantala, inihayag naman ni South Cotabato PDRRMO Operations and Warning Chief Rolly Aquino na 98 ang naitalang casualties kabilang na dito ang mga nahimatay, nagkaroon ng panic attack, nasugatan at nasawi sa lindol.

Sinuspinde na rin ni Koronadal Mayor Eleordo Ogena ang klase at pagpasok sa mga tanggapan bunsod sa malakas na buhos ng ulan matapos ang lindol.