-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Dalawang bayan sa lalawigan ng Cotabato ang nakapagtala ng unang kaso ng COVID-19 sa kanilang mga lugar ngayong araw, July 31, 2020.

Base sa inilabas na impormasyon mula sa Cotabato – Inter-Agency Task Force on COVID-19, ang mga ito ay ang mga bayan ng Kabacan, isang 42-anyos na lalakeng Locally Stranded Individual (LSI) mula sa Manila at dumating nitong July 27, at bayan ng Magpet, isang 41-anyos na babaeng LSI na mula din sa Manila.

Maliban rito, tatlo pang COVID-19 positives ang naitala sa lalawigan kabilang ang 29-anyos na lalake mula sa Libungan, 23-anyos na lalake mula sa Pikit at 21-anyos na lalake mula sa Pigcawayan na pawang mga LSI din.

Ayon sa Cotabato-IATF, ang lahat ng mga nabanggit na pasyente ay asymptomatic at nasa mabuti nang kalagayan sa ngayon.

Dahil dito, umakyat na sa 41 ang kabuoang bilang ng mga nahawaan ng COVID-19 sa North Cotabato.

Nagpaalala naman ang pamunuan ng Cotabato-IATF na huwag pangunahan sa pagbibigay ng impormasyon ang Department of Health XII (DOH XII) sa pamamagitan ng social media at sundin ang reporting protocol upang hindi ito magresulta sa pagka-panic ng mga tao dahil sa maling impormasyong nakapaloob dito.

Ang naturang paalala ng ahensiya ay bunsod ng pagka-panic ng mga netizens hinggil sa mga post sa social media patungkol sa pasyenteng residente ng Magpet.

Samantala, dalawang recoveries naman ang naitala ng lalawigan dahilan upang umakyat na sa 18 ang kabuang bilang nito.