-- Advertisements --

Pinakilos na rin umano ni North Korean leader Kim Jong Un ang kanilang militar upang tumulong para maisaayos ang distribusyon ng mga COVID-19 medicines.

Ang hakbang ng kanilang gobyerno ay matapos iutos ang lockdown sa kanilang bansa makaraang makumpirma ang coronavirus outbreak.

Kung maalala inamin na rin noong nakaraang linggo ng North Korea na sa unang pagkakataon ay nahaharap sila sa isang “explosive” COVID-19 outbreak.

Dahil dito nangangamba ang ilang mga eksperto na posibleng magdulot ito ng matinding krisis sa kumunistang bansa dahil sa limitado lamang daw ang mga medical supplies at wala rin daw vaccine program doon.

Sinasabing ang North Korea ay isa sa mga bansa sa buong mundo na may worst healthcare systems, at kulang sa maayos na kagamitan ang mga ospital.

Kaugnay nito inutusan daw ni Kim ang kanilang army na agad na tumulong para ma-stabilise ang supply ng mga medisina lalo na sa capital na Pyongyang kung saan una umanong na-detect ang Omicron variant.

Sa report na lumabas mula sa North Korea, ang tinamaan ng virus ay nasa 1,213,550 kung saan nasa 50 ngayon ang bagong nasawi.

Ang katabing South Korea ay nangako naman lalo na si President Yoon Sul-yeol na handa ang kanilang gobyerno na sumaklolo sa North Korea tulad na lamang ng pagsuplay ng mga bakuna at medisina kung papayag ang Pyongyang.