-- Advertisements --

Inanunsyo ni North Korean leader Kim Jong-un na tatanggalin na nila ang suspensyon sa pagsasagawa nila ng mga nuclear at long-range missile tests na kanilang inilagay noong mayroon pa silang negosasyon ng Estados Unidos.

Batay sa report ng state media na KCNA, sinabi raw ni Kim na hindi na raw obligado pa ang North Korea na sumunod sa idineklara nilang moratorium.

Ito’y lalo pa’t patuloy pa ring lumalahok ang US sa joint military drills kasama ang South Korea, at hindi pa rin nila binabawi ang sanctions na ipinataw nila sa Pyongyang.

“Under such condition, there is no ground for us to get unilaterally bound to the commitment any longer, the commitment to which there is no opposite party, and this is chilling our efforts for worldwide nuclear disarmament and non-proliferation,” pahayag ni Kim ayon sa KCNA.

Nagbanta rin si Kim na masasaksihan daw ng buong mundo ang isang bagong uri ng “strategic weapon” sa nalalapit na hinaharap.

Gayunman, nagpahiwatig si Kim na bukas pa rin ang North Korea para sa isang dayalogo.

Paliwanag ni Kim, nakadepende raw sa ikikilos ng Estados Unidos ang magiging sakop ng anumang testing.

Magugunitang nahinto ang momentum sa pag-uusap ng US at North Korea dahil sa hindi inaalis ng Washington ang sanctions nila sa North Korea hangga’t hindi nito tinatalikuran ang kanilang nuclear program. (BBC)