-- Advertisements --

Muli na naman umanong nagsagawa ng isang “crucial test” ang North Korea sa kanilang satellite launch site sa Sohae.

Ito’y kasabay ng hindi pa rin pag-usad ng mga nuclear negotiations sa pagitan ng Pyongyang at Washington kahit na malapit nang mapaso ang deadline.

Sa pahayag ng tagapagsalita ng National Academy of Defence Science, isinagawa ang nasabing test sa Sohae Satellite Launching Ground noong Disyembre 13 o Biyernes ng gabi.

Gagamitin aniya ang mga tagumpay nila sa research sa pagpapalakas pa ng nuclear deterrent ng Pyongyang.

Noong nakaraang taon nang pumayag si North Korean leader Kim Jong Un na ipasara ang Sohae site kasunod ng naging summit nila ni South Korean President Moon Jae-in.

Dahil naman sa pagkadismaya sa hindi pagbawi ng Estados Unidos ng sanctions na ipinataw sa kanila, nagbabala ang North Korea ng isang “Christmas gift” sakaling walang gawin ang Amerika bago matapos ang taon.

Nitong buwan din nang ianunsyo ng Pyongyang na nagsagawa sila ng “very important test” sa kaparehong site sa Sohae. (AFP)