-- Advertisements --

Nakatakda umanong patawan ng parusa ng North Korea ang mga local officials kasunod ng pananalasa ng bagyo nitong nakalipas na linggo.

Batay sa ulat, sinisi ng isang peryodiko ang mga otoridad sa siyudad ng Wonsan dahil sa kabiguan nitong paghandaan ang Typhoon Maysak, at inakusahan din ang mga ito na mayroong “irresponsible attitude.”

Hindi naman binanggit ng naturang dyaryo kung ilan ang mga nawala, namatay o nasugatan, ngunit sinabi nito na nagtala ang siyudad ng “dose-dosenang mga casualty.”

Maliban dito, hindi rin aniya tumalima ang mga opisyal sa ibinabang utos ng ruling party.

“A decision was made to impose severe party, administrative, and legal punishment to those responsible for the casualties,” saad sa Rodong Sinmun newspaper.

Nag-iwan ng pinsala ang Typhoon Maysak sa North Korea isang linggo lamang matapos ang paghagupit ng isa pang bagyo na pinangalanang Typhoon Bavi.

Sinalanta rin ng naturang sama ng panahon ang South Korea, na kumitil sa buhay ng dalawang katao at nagpalikas sa mahigit 2,000 indibidwal sa siyudad ng Busan. (BBC)