Kinumpirma ng South Korea ang pagkalas at tuluyang pagtakas ng isang diplomat ng North Korea na nakabase sa Cuba.
Batay sa inilabas na report ng South Korean spy agency na National Intelligence Service, ang naturang diplomat ay isang senior diplomat at nagsisilbi bilang counselor of political affairs. Siya ay kinilalang si Ri II Kyu.
Kasama umano ng naturang diplomat ang kanyang asawa at anak na tumakas papuntang South.
Lumalabas sa report ng South Korea na tumakas at kumalas si Ri dahil na rin sa hindi niya masikmura ang political system ng North.
Hindi rin umano siya pinayagan ng North na bumiyahe papuntang Mexico para ipagamot ang kanyang neural damage.
Ang mga ospital sa Cuba ay wala umanong kakayahan na gamutin ang naturang sakit.
Sa kasalukuyan, wala pang official statement na inilalabas dito ang North Korea.
Gayunpaman, si Ri ay ilan lamang sa mga top diplomats ng North na unang kumalas at pumunta ng South dahil na rin sa hindi nagustuhang pamamalakad.
Una na rin itong ikinagalit ng North at inakusahan pa ang South na kinikidnap ang kanilang mga mamamayan at inaakit ang mga ito upang kumalas.