Inihayag ng Justice Department na may mga North Korean information technology workers ang umano’y nakapasok sa higit 300 kompanya sa Estados Unidos, gamit ang mga alias para kumita ng hindi bababa sa $6.8 milyon para sa kanilang kompanya sa pamamagitan ng remote-work jobs.
Inilabas ng departamento ang mga kasong isinampa laban sa ilang indibidwal, kabilang ang isang babaeng taga-Arizona na inakusahan na tumulong sa mga IT workers mula sa North Korea mula pa noong Oktubre 2020 para magtrabaho online gamit ang ninakaw o hiniram na U.S citizen’s identities.
Marami sa mga apektadong kumpanya ay mga kilalang US companies, ayon sa kasong isinampa. Kahit hindi binanggit ang mga pangalan ng kumpanya, sinabi nito na kasama rito ang isang national television network, isang “premier” Silicon Valley technology entity at isang “iconic” car manufacturer, pati na rin ang isa sa pinakakilalang kumpanya sa media at entertainment sa buong mundo.
Kaugnay pa nito, ipinaalam ng State Department na magbibigay sila ng pabuya na hanggang $5 milyon para sa impormasyon tungkol sa tatlong North Korean IT workers na gumagamit ng mga alias na Jiho Han, Chunji Jin, at Haoran Xu, kasama na rin ang kanilang manager na si Zhonghua.
Ang mga indibidwal umano ay konektado sa North Korea’s Munitions Industry Department, na namamahala sa development ng kanilang ballistic missiles at weapons production.