Nagbanta si North korean leader Kim Jong Un na tutugon ito sa pagbabanta ng Amerika gamit ang kanilang nuclear weapons.
Ito ang naging tugon ni Kim ngayong araw matapos na personal nitong sinaksihan kasama ang kaniyang pamilya ang paglulunsad ng panibagong armada na intercontinental ballistic missile nito lamang Biyernes.
Pinuna din ni Kim ang tinawag nitong agresibong ‘war drills’ ng Amerika kasama ang Japan at South Korea at nagbabala na kung magpapatuloy ang mga banta ng Amerika laban sa North Korea ay determinado itong tutugon sa pamamagitan ng nuclear weapons at tutugunan ang total confrontation ng Amerika ng “all-out confrontation”.
Bilang tugon, nakatakdang magpulong araw ng Lunes ang United Nations Security Council para talakayin ang North Korea matapos ang paglulunsad nito ng suspected intercontinental ballistic missile na kayang umabot sa US mainland.
Sinabi ng US mission to the United Nations na may responsibilidad ang 15 miyembro ng Security Council para protektahan ang pandaigdigang kapayapaan at seguridad at pagtibayin ang sarili nitong resolusyon.
Hinimok nito ang mga miyembro din ng Security Council na magkaisa sa pagkondena sa mapanganib at unlawful na naging hakbang ng North Korea.
Dapat aniya na maipatupad ang umiiral na Security Council resolutions at mapanagot ang North Korea sa paglabag nito.
Una ng sinabi ng isang US Senior administration official na ang panibagong missile test ng North Korea ay isang uri ng missile na kayang tamaan ang napakaraming mga bansa.