ILOILO CITY – Dumipensa ang pamunuan ng Northern Iloilo State University matapos kinuwestyon ni Senate committee on finance Chairperson Sen. Pia Cayetano hinggil sa hindi pagpapatupad ng full face-to-face classes.
Ang nasabing unibersidad ay kabilang sa limang mga eskwelahan na sinita ng senadora matapos na hindi pa rin nagpapatupad ng full face-to-face classes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Bobby Gerardo, presidente ng nasabing unibersidad, sinabi nito na nagpatupad na sila ng face-to-face classes ngunit aminado ito na may mga estudyante na nahihirapan na sumunod dito lalo na ang mga nakatira sa mga isla.
Ayon kay Gerardo, nasa transition period pa sila at sa loob ng dalawang linggo, posible na anya ang full face-to-face classes.
Tiniyak naman nito na tatalima sa kautusan ng senado upang mabigyan sila ng budget.