Kinumpirma ng Northern Luzon Naval Command(NLNC) ang ginawang paglalayag sa karagatang sakop ng Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea (WPS), sa ilalim ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ayon sa NLNC, nagsagawa ng routine maritime patrol ang BRP Apolinario Mabini (PS36) sa naturang katubigan sa pangunguna ni Commanding Officer, Cdr Christopher Neil Calvo.
Bahagi ng isinagawang maritime patrol ay ang Intelligence, Surveillance, and Reconnaissance (ISR) operations sa koordinasyon sa Philippine Coast Guard (PCG) vessel na BRP Suluan (MRRV 4406).
Pagbubunyag ng naturang naval command, ilang Chinese Coast Guard (CCG) vessel ang naroon sa lugar noong isinagawa ang pagpapatrolya.
Isang CCG vessel din ang agad na lumapit sa BRP Antonio Mabini noong ito ay may layong 8.5 miles sa hilagang-silangan ng Bajo de Masinloc at tinangkang pigilan ang barko ng Pilipinas sa ligal nitong isinasagawang pagpapatrolya.
Gayonpaman, ipinagpatuloy din ng Philippine vessel ang paglalayag, sa kabila ng pagbabanta ng barko ng China.
Nanindigan ang naturang command na ligal ang ginawang pagpapatolya at tuloy-tuloy din itong isasagawa upang maprotektahan ang karapatan ng Pilipinas sa mga karagatang sakop nito.