-- Advertisements --

Posibleng maranasan sa Northern Luzon ang record-low temperature sa susunod na lingo, kasabay na lalo pang paglakas ng hanging amihan.

Batay sa pagtaya ng state weather bureau, posibleng bumagsak pa mula 10.2°C hanggang 13.1°C ang temperatura sa mga kabundukan ng Northern Luzon.

Una nang naitala ngayong lingo ang mahigit 12°C sa Benguet na itinuturong dahilan kung bakit nagkaroon ng malawakang andap o frost sa mga kabundukan.

Ayon kay Weather Specialist Benison Estareja, posibleng maaapektuhan ang malaking bahagi ng Luzon sa mga araw ng Lunes, Jan 27 at Martes, Jan. 28. Sa mga araw na ito aniya, posibleng maranasan ang labis na pagbagsak ng temperatura.

Sa kasalukuyan, nakaka-apekto ang amihan sa mga probinsya ng Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Ilocos Region, Aurora, Quezon, at Bicol.

Hindi rin inaalis ang posibilidad na aabot pa ito sa Visayas.

Samantala, maliban sa amihan ay patuloy namang nakaka-apekto ang dalawang iba pang weather system sa ibang bahagi ng bansa.

Umiiral ang shear line at nakaka-apekto sa ilang bahagi ng Mindanao, Eastern Visayas, at Central Visayas.

Easterlies naman ang nakaka-apekto sa ilang bahagi ng Caraga, Davao Region, Soccsksargen, at katabing mga lugar.