BACOLOD CITY – Mahigit isang linggo matapos ang malawakang pagbaha sa northern Negros Occidental sa simula ng taong 2021, muli na namang binaha ang maraming LGUs sa nasabing bahagi ng lalawigan dahil sa walang tigil na pag-ulan simula kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Negros Occidental Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) head Dr. Zeaphard Gerhart Caelian, kabilang sa mga binaha ay Talisay City, Silay City, EB Magalona, Victorias City at Sagay City.
Ayon kay Caelian, 1,089 na mga pamilya ang nag-evacuate sa lungsod ng Victorias.
Sa Silay City, umaabot sa 191 na mga pamilya o 705 individuals ang nag-evacuate sa civic center ng lungsod.
Kabilang sa mga binaha ay ang Barangay E. Lopez; Rizal; Kapitan Ramon; Balaring; at Barangay Lantad, Silay City, Negros Occidental.
Sa Talisay City, may mga nag-evacuate rin sa Barangay Zone 4A; Barangay Zone 3, at Barangay Zone 12.
Sa Barangay Zone 2, Talisay City, 100 mga pamilya ang lumikas habang pito naman ang apektado sa Barangay Zone 16 at 55 na mga pamilya ang nag-evacuate sa Barangay Bubog.
Kahapon ng hapon, inirekomenda ng PDRRMO ang pre-emptive evacuation sa apektadong mga lugar.
Walang namang naiulat na nasugatan, namissing o namatay kaugnay sa pagbaha.