TACLOBAN CITY – Kinumpirma ni Northern Samar 1st District representative Paul Daza na positibo siya sa coronavirus (COVID-19).
Sa ipinalabas na mensahe ng mambabatas, sinabi nito na na-diagnose siya ng COIVD-19 kung saan siya ay nasa ospital ngayon.
Umaasa naman ang mambabatas na mabibigyan siya ng clearance ng kanyang doctor sa lalong madaling panahon sa kanyang paggaling.
Ayon kay Daza na umuwi siya ng Catarman, Northern Samar galing Manila noong Agosto 8 para makita ang sitwasyon ng first district.
Sumailalim daw muna siya sa swab test kung saan siya nagnegatibo sa virus.
Dagdag pa nito, nakaramdam daw siya ng sintomas simula noong Agosto 16 kaya’t ini-isolate na niya ang kanyang sarili at nagkaroon ng medication na resita ng mga local doctors.
Napagdesiyunan naman ng mambabatas na bumalik sa Maynila noong Agosto 24 batay na rin sa payo ng kanyang doctor dahil sa patuloy nitong nararanasang sintomas.
Direkta raw siyang pumunta na sa ospital para magpa-test at Agosto 25 ay lumabas ang resulta na positibo nga siya sa COVID-19 virus.
Agad naman nitong ipinag-utos sa kanyang staff sa Kongreso at Daganas field office na magsagawa ng contact tracing sa tulong ng local health officials at health authorities.
Patuloy pa rin naman daw siya sa kanyang trabaho sa Kongreso kahit nasa ospital room sa pamamagitan ng teleconferencing.
Sinasabing si Daza ang pang-apat na kinatawan ng House of Representatives na nagpositibo sa COVID-19.