-- Advertisements --
blackwater northport 1
Photo courtesy of PBA

Nakadagit na ng puwesto sa playoffs ang NorthPort makaraan nilang itumba ang all-Pinoy lineup ng Blackwater sa kanilang 127-99 panalo sa 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Cuneta Astrodome nitong Sabado, Hunyo 22.

Mistulang walang epekto ang pag-trade ng Batang Pier sa kanilang top gun na si Stanley Pringle sa Barangay Ginebra dahil pinunan nina Kevin Ferrer, Sol Mercado at Jervy Cruz ang iniwang puwang ng Fil-Am guard.

Umpisa pa lamang ay kumayod na agad ang NorthPort at hindi na nilingon pa ang Elite.

Kapwa pumoste ng kanilang season-highs sina Ferrer at Cruz na naglista ng 23 at 16 points, ayon sa pagkakasunod-sunod, habang si Mercado naman ay humugot ng 14.

Hindi rin nagpaawat sina Sean Anthony na nagpakawala ng double-double na 22 points at 11 rebounds, samantalang muntikan namang makabuo ng triple-double si Robert Bolick na tumipon ng 16 points, siyam na rebounds at 10 assists.

Dahil dito, parehas nang nasa tuktok ng standings ang NorthPort at TnT KaTropa na may 7-1 baraha.

Sumandal naman ang Blackwater kay Ray Parks na nagrehistro ng 25 points, 11 rebounds at apat na assists.