CAUAYAN CITY – Bumalik na sa normal na pamumuhay ang mga Norwegian at binuksan na rin ang operasyon ng mga bahay kalakal tulad ng mga restaurants at bars.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Joseph Bantolo, OFW sa Norway at Tubong Alicia, Isabela na ibinalik sa normal na pamumuhay ang mga Norwegian mula noong Sept. 25, 2021 batay sa anunsiyo ng kanilang Prime Minister.
Bagamat pinapayagang hindi na magsuot ng face mask at mayroon pa ring nagsusuot nito pangunahin na ang mga inuubo para maiwasang makapanghawa.
Pinayagan na rin ang mga tao na magyakapan at magbeso-beso.
Mahalaga anya sa mga Norwegian ang social life at nanlumo sila sa dalawang taon na pandemya kayat binuksan na ang kanilang mga bar, inuman at mga restaurant pangunahin na sa Capital City na Oslo.
Sa ngayon anya ay kontrolado na ang COVID-19 sa Norway na bagamat may naitatala pa rin ay galing sa labas ng kanilang bansa habang umaabot na sa 68% ng populasyon ng Norway ay bakunado na.
Bagamat mahigpit na ipinapatupad ng nasabing bansa ang mga travel protocols ay pinapayagan nang bumasok ang galing sa mga bansang nasa ilalim ng green at orange zones at hindi na kinakailangang mag-quarantine .
Isinasailalim sa mahigpit na pagsusuri ang mga dumarating sa nasabing bansa at kapag nagkaroon ng sintomas o positibo sa vius ay kaagad na isasailalim sa quarantine.
Kaagad ding nagsasagawa ng contact tracing upang maiwasan ang hawaan.