-- Advertisements --

Sinintensyahan ng limang taong pagkakakulong ang isang dating cabinet minister ng Norway matapos mapatunayang nanghalay sa tatlong indibidwal na humingi ng asylum.

Napatunayang guilty ang 72-year-old former fisheries minister na si Svein Ludvigsen sa pang-aabuso sa kanyang posisyon bilang regional governor at pananamantala sa kahinaan ng tatlong binata upang mapilit ang mga ito na makipagtalik sa kanya.

Lumabas sa paglilitis na nagbigay umano si Ludvigsen ng maling impresyon sa mga asylum seekers na bilang gobernador ng distrito ng Troms ay may kapangyarihan itong magpasya hinggil sa asylum status ng mga tao.

Inalok din umano ang mga lalaki ng bahay at trabaho kapalit ng sexual favors.

Naganap umano ang panghahalay noong 2011 hanggang 2017 sa tirahan at country house ni Ludvigsen, maging sa hotel rooms at sa mismong opisina nito.

Nanindigan naman si Ludvigsen na inosente ito sa akusasyon at nangakong maghahain ng apela.

Gayunman, inamin ng politician na nakipagtalik daw ito sa isa sa mga lalaki, ngunit ito raw ay consensual.

Itinanggi naman nitong may nangyari sa kanila ng dalawa pang lalaki. (BBC)