Muling magpapadala ng “note verbale” ang Pilipinas sa China.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mahalagang malinawan ang magkakasalungat na pahayag ng China Coast Guard at Philippine Navy sa insidente, malapit sa Pag-asa Island.
Partikular na ang umano’y pagkuha ng mga Chinese sa nakolektang debris ng rocket na hawak ng Philippine authority.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag matapos irekomenda ni National Security Adviser Secretary Clarita Carlos na magpadala ng mensahe sa China ukol dito.
Ayon sa punong ehekutibo, may tiwala naman siya sa Philippine Navy at kombensido sa naging pahayag nito hinggil sa nangyari kaya’t nagtataka siya kung bakit salungat ang version ng China sa naging report ng ating navy.
“Hindi nagtugma yung report ng Philippine Navy at saka yung report na galing sa China, because the word forcibly was used in the Navy – in the Philippine Navy report. And that was not the characterization in the Chinese navy report or the report coming from China,” wika ng pangulo.
Samantala, nilinaw ni Pangulong Marcos na ayaw niyang magkaroon ng ‘miscalculations’ ukol sa sinasabing komprontasyon ng magkabilang panig kaya’t mahalaga aniyang magkaroon ng mekanismo upang maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap.