(Update) Kinumpirma ng Malacañang na pormal nang naipadala sa US Embassy ang notice of termination sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ngayong araw dinala sa US Embassy ang notice na pirmado ni Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin.
Ayon kay Sec. Panelo, magiging epektibo ang pagpapawalang-bisa sa VFA makalipas ang 180 araw mula ng pagkakatanggap ng US government sa abiso.
Nagpaliwanag naman si Sec. Panelo na siya ring tumatayong Chief Presidential Legal Counsel, hindi na umano kailangan pa na antayin ang kasagutan ng gobyerno ng Amerika.
Inihayag pa ni Panelo nakapaloob daw kasi sa VFA na maaaring tuluyan na itong i-terminate sa pamamagitan ng kahit lang written notice ng magkabilang bansa.
Narito ang bahagi ng Article 9 ng VFA, “This agreement shall remain in force until the expiration of 180 days from the date on which either party gives the other party notice in writing that it desires to terminate the agreement.”
Una rito, marami na raw emissaries si US President Donald Trump na kumausap kay Pangulong Duterte para maisalba ang VFA pero nagkapagdesisyon na ang Pangulo.
Kung maalala maging si Sec. Locsin ay sinabi rin sa Senate hearing na pabor siya sa mabusisi munang pagrebisa sa VFA bunsod nang maraming implikasyon nito kung saan “the termination of the VFA must be weighed in terms of the overall interest of the country.”
Kagabi ay pinagtibay naman sa Senado ang resolution na umaapela kay Presidente Duterte na irekonsidera ang kanyang planong pag-terminate sa Visiting Forces Agreement.
Mismong sina Senate President Vicente Sotto III, Senate Minority Leader Franklin Drilon at Sen. Panfilo Lacson ang nanguna bilang mga author sa Senate Resolution No. 312.
Tanging ang may abstention ay si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Para kay Sen. Dela Rosa, nais niyang maitala sa Senate record na nag-abstain siya, dahil isa ang kaniyang karanasan sa pagkakakansela ng US visa sa mga sinasabing basehan ni Pangulong Duterte para ipawalang bisa ang treaty.
Ang kaalyado pa ni Duterte na si Sen. Aquilino Pimentel III ang nag-sponsor sa Senate Resolution.
“Fully recognizing the authority of the Chief Executive and without intending to disrespect a co-equal body, prior to unilaterally terminating the VFA, the Senate should be given the opportunity to conduct a review and assessment of the impact of the withdrawal on the country’s security and economy, specifically with regard to intelligence information sharing, military aid and financing and technical assistance extended by the US relative to the continuing threats posed by domestic and foreign terrorist groups, and ultimately to the stability and security in the Asia Pacific region,” bahagi pa ng resolusyon.