-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Arestado ang isang notorious na drug pusher at high-value target ng pulisya sa isinagawa nilang buy-bust operation sa bayan ng La Trinidad, Benguet.

Nakilala itong si Rochester Chayao Dagiw-a alyas Betyeng, 33-anyos, tubo ng Buguias, Benguet at residente ng Buyagan, Poblacion, La Trinidad, Benguet.

Nakumpiska sa kanya ang isang pakete ng pinaniniwalaang shabu at ang ginamit niyang cellphone sa transaksyon habang narekober din ang nagamit na buy-bust money.

Nahaharap ngayon si Dagiw-a ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon sa pulisya, nagsimula ang operasyon sa hiling ng isang netizen sa social media ukol sa pag-aksiyon ng mga pulis para mahuli ang isang ‘alyas Betyeng’ na di umano ay gumagamit ng mga menor de edad na mga estudyante sa pagdeliver ng mga iligal na droga.

Agad nagsagawa ang Benguet Police Provincial Office ng surveillance operation hanggang sa buy-bust operation kung saan hindi na nanlaban si Dagiw-a ng maaresto ito.

Sinabi ng pulisya na napatunayan sa imbestigasyon ang pagbenta ni Dagiw-a ng iligal a droga sa La Trinidad at iba pang bayan ng Benguet at gumagamit pa ito ng mga estudyante sa kanyang mga transaksion.

Nakilala si Dagiw-a bilang isa sa mga natitirang drug distributors sa lalawigan ng Benguet.

Dahil dito, hinihikayat ng pulisya ang publiko na tularan ang ginawa ng nasabing netizen na nag-post sa nasabing isyu na nagresulta sa pagka-aresto ng nasabing drug personality.