-- Advertisements --

Idineklara ang Nobiyembre 4 bilang National Day of Mourning para sa mga biktima ng bagyong Kristine sa bisa ng inisyung Proclamation 728 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa ilalim ng naturang proklamasyon at alinsunod sa Republic Act 8941, itataas ang watawat ng Pilipinas ng naka-half mast sa lahat ng mga gusali ng gobyerno at installations sa buong bansa at sa abroad sa araw ng Lunes.

Inisyu ang naturang proklamasyon bilang pakikiisa sa mga naulilang pamilya at mahal sa buhay ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng nagdaang bagyong Kristine.

Kaugnay nito, hinimok ng Pangulo ang sambayanang Pilipino na mag-alay ng dasal para sa mga nasawi sa naturang trahediya.

Kung matatandaan, pumalo na sa 145 katao ang nasawi sa malawakang pagbaha at landslide dulot ng bagyong Kristine. May ilan ding mga indibidwal ang nasugatan habang may ilan pa rin ang nananatiling nawawala.