-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Suportado ng LGU-Datu Montawal Maguindanao ang deklarasyon ng gobyerno na “persona non grata” sa CPP-New People’s Army at mga armed lawless groups (ALGs) sa bansa.

Ito ang tiniyak ni Datu Montawal Mayor Datu Otho Montawal at Vice-Mayor Datu Vicman Montawal.

Layunin daw nito ay upang seguraduhin ang kaligtasan at katahimikan ng bawat mamamayan ng Datu Montawal at ang bawat isa ay makapamuhay ng tahimik.

Sinabi ni Mayor Montawal na gagawin niya ang lahat maprotektahan lamang ang seguridad ng kanyang mga nasasakupan.

Hiling ng alkalde ang kooperasyon at pakikiisa ng bawat isa upang makamit ang tunay na kapayapaan.

Nagpasalamat din si Mayor Montawal sa militar at pulisya na araw-gabi na nagbabantay sa seguridad ng taumbayan.

“Bilang mamamayan ng Datu Montawal, tungkulin natin na panatilihin ang pagkakaisa at pagmamahalan ano man ang ating relihiyon” ani Mayor Montawal.

Samantala, sa kabila ng krisis sa COVID-19 at banta ng terorismo ay mas lalong pinaigting ng LGU-Datu Montawal ang kampanya kontra sa pinagbabawal na droga.