TACLOBAN CITY – Aabot sa 50 mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang umatake sa istasyon ng mga kapulisan sa Victoria, Northern Samar kung saan nagresulta ito ng pagkamatay ng tatlong miyembro ng rebeldeng grupo, isa ang nahuli, at dalawang pulis naman ang sugatan.
Ayon kay John Allen Verbon, tagapagsalita ng Northern Samar, bandang alas-3:00 ng madaling araw nang sinubukang atakehin ng mga rebelde ang Victoria Police station kung saan nagtagal ang palitan ng putok ng baril sa loob ng halos tatlong oras.
Nagresulta naman ito sa tatlong casualties sa panig ng mga NPA at isang miyembro nito ang nahuli at nakunan ng isang M14 rifle.
Batay sa inisyal na impormasyon, pinaniniwalaang isang criminology student sa University of Eastern Philippines (UEP) ang nahuling NPA.
Nakasuot pa umano ang naturang mga rebelde ng military fatigues, may dilaw na mga headbands o countersign at ilan sa mga ito ay pinaniniwalaang mga kababaihan.
Nakuha naman ng mga otoridad ang truck na ginamit ng mga rebelde sa kanilang paglusob.
Kinilala na rin ang dalawang pulis na nasugatan na sina PSMSgt. Arturo Gordo at PMSgt. Arnold Cabacang.
Sa ngayon patuloy pa ang ginagawang clearing operations ng mga kapulisan at kasundaluhan dahil ilan umano sa mga tumakas na mga NPAs ay pumasok sa mga kumunidad at ilang paaralan.
Ang pag-atake ng mga NPA ay isang araw bago ang kanilang founding anniversary bukas, Marso 29.