(Update) LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Masbate Police Provincial Office na bagong tayo pa lamang ang nakubkob na sinasabing New People’s Army (NPA) encampment sa Brgy. Balete, sa bayan ng Aroroy.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Masbate PPO provincial director Col. Arnie Oliquiano, bunga ito ng isinagawang combat operations ng Philippine Army na nauwi sa engkwentro matapos na magpasabog ng improvised explosive device (IED) ang armadong grupo, nasa 10 metro ang layo sa encounter site.
Bineberipika na rin ng mga otoridad ang katotohanan sa ulat na nakapagtala ng sugatan at casualty sa naka-engkwentrong panig habang wala namang nasaktan sa pwersa ng pamahalaan.
Nagpapatuloy naman ang follow-up operations ng militar sa lugar upang matukoy ang pinagtataguan ng mga nakasagupa, kasabay ng paglatag ng checkpoints ng PNP sa mga posibleng daanan ng mga ito.
Sa kabila ng nangyari, nakatuon pa rin umano ang pansin ng mga pulisya at militar sa panawagan ng pagsuko ng mga rebelde kasabay ng alok na benepisyo at maayos na hanapbuhay sa pagbabalik sa lipunan.