BAGUIO CITY – Idineklara persona non grata ng lahat ng 10 bayan sa Mountain Province ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Kasunod ito ng serye ng engkuwentro kamakailan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng mga NPA.
Magkakasunod na ipinasa ng mga lokal na pamahalaan ang resolusyon na nagdedeklara sa mga komunistang grupo bilang persona non grata sa kanilang lugar.
Sinimulan ng bayan ng Bauko ang nasabing hakbang dahil sapilitang paglikas ng aabot sa isang libo nitong residente matapos ang engkwentro ng mga pulis at rebelde sa Mt. Kapuwaw kasabay ng anibersaryo ng mga NPA.
Sumunod ang mga bayan ng Sagada, Besao at Sadanga na nagdeklara sa mga komunista bilang ‘persona non grata’ kung saan may mga kabataan sila noong late 80’s at early 90’s na nagsilbi bilang NPA units na nagdala ng gulo sa mga lalawigan ng Benguet, Ifugao at Abra.
Pinagtibay at binuhay naman ng Tadian ang kanilang resolusyon na nagbabawal sa presensiya ng mga rebeldeng NPA sa kanilang lugar kasunod ng posibleng pagkakontamina ng kanilang potable water sources dahil sa mga kampo at dumi ng mga NPA.
Ginawa din ito ng mga bayan ng Bontoc at Natonin na mga hometowns ng mga ilang notorious leaders ng NPA-NDF.
Inihayag din ng mga bayan ng Barlig at Sabangan ang kanilang pagkabahala sa epekto ng terorismo sa payapang pag-unlad ng kanilang mga barangay.
Ayon sa isang dating mass base leader ng NPA-Cordillera People’s Democratic Front, naging irrelevant ang NPA sa pagkamit ng kapayapaan, hustiya at community development kung saan tinawag pa niyang ‘sinungaling’ ang mga dating kasamahan.