KORONADAL CITY – Tahasang inamin ng New People’s Army na sila ang responsable sa nangyaring panununog sa tatlong heavy equipment sa quarry site sa Sitio Dahlia, Brgy. Edwards, Tboli, South Cotabato kung saan umaabot sa P20 milyon ang pinsalang dulot nito.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ka Gary Angeles, nagpakilalang spokesperson ng NPA-Far South Mindanao Region, ginawa nila ang pagsunog sa payloader, backhoe at dumptruck ng Gemma Construction Company bilang parusa umano sa naturang kumpanya dahil sa pinsalang dulot nito sa kalikasan habang nasa ilalim umano ng pangalan ng “Build, Build, Build” project ng Duterte administration.
Tinawag rin umano nitong peke at recycled ang mga naglalabasang report na marami umanong mga NPA members ang sumuko at bumalik sa hanay ng gobyerno upang magbagong-buhay.
Samantala, nakahanda na ang South South Cotabato Provincial Police Office sa pagsasampa ng kaso laban sa apat katao na responsable sa panununog sa mga heavy equipment.
Dagdag ni Provincial Police Director PCol. Jemuel Siason, sinopla rin nito ang pahayag ni Ka Gary sa pahayag na peke o recycled umano ang mga NPA sa pagsasabing mayroon silang database na binabasehan at hindi na maaaring tanggapin ang diumano’y “recycled” na rebel returnee.
Patuloy rin ang panawagan nito sa komunistang grupo na sumuko na sa pamahalaan dahil nakaantabay ang tulong ng pamahalaan sa kanila.