-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Inako na ng New People’s Army (NPA) ang pagpatay kay Councilor Jolomar Hilario ng bayan ng Moises Padilla sa Negros Occidental nitong araw ng Linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Ka Ann Jacinto, deputy spokesperson ng Leonardo Panaligan Command ng NPA, sinabi nitong pinatay nila si Hilario dahil sa maraming kasong kinakaharap nito sa korte ng rebolusyunaryong pakikibaka.

Ginagamit umano ni Hilario ang pondo ng bayan sa mga operasyon ng militar bilang chairman ng Appropriations Committee sa Sangguniang Bayan.

Asset din aniya ng militar ang konsehal na nagmomonitor sa galaw ng NPA at ibang rebolusyunaryong grupo.

Inakusan pa ni Jacinto si Hilario na stock holder sa drug operations ni Moises Padilla Mayor Magdaleno Peña at supplier sa isang drug pusher sa bayan.

Maliban dito, may hawak daw na grupo si Hilario na nagnanakaw ng mga hayop at ibinibenta noong punong barangay pa ito ng Inolingan.

Samantala, kinumpirma ng deputy spokesperson na ang kanilang grupo rin ang nakasagupa ng militar sa Barangay Quintin Remo sa pareho pa ring bayan noong nakaaraang Lunes.

In-ambush aniya ng kanilang grupo ang 36 mga sundalo ng 62nd Infantry Batallion at 24 dito ang patay.

Ngunit sa naunang panayam kay Brigadier General Benedict Arevalo ng 303rd Infantry Brigade, isang sundalo lang ang nagtamo ng minor injury sa engkwentro at walang tropa na nasawi.