-- Advertisements --

allanpa1

Arestado ang isang top ranking NPA leader sa isinagawang operasyon ng PNP at AFP sa Quezon City.

Siniguro kasi ng pulisya at militar na hindi sila titigil sa pagtugis sa iba pang mga top NPA leaders at miyembro ng CPP-NPA-NDF matapos silang ideklara bilang mga terorista.

Kinilala ni PNP spokesman B/Gen. Ildebrandi Usana ang NPA leader na si Allan Morales na kilala rin sa mga alyas na Budlat, Joseph Erwin Rimando, Alvin Advincula at Dante Morales.

Naaresto ng mga tauhan ng PNP CIDG, NCRPO at JTF-NCR si Morales sa tinutuluyan nito sa Saphire Street, Brgy. Payatas B, Quezon City, alas-12:00 ng tanghali nitong nakalipas na Miyerkules.

Nakuha mula sa pag-iingat ni Morales ang iba’t ibang matataas na kalibre ng armas tulad ng 9mm sub machinegun, kalibre .45 pistola, mga bala at isang granada.

Nabatid na nagsilbi rin si Morales bilang deputy secretary ng Regional Committee ng Negros-Cebu-Bohol-Siquijor at dating secretary ng Regional Peasant Sugar Workers Bureau ng Negros.

Dati rin siyang secretary  ng Regional Committee for Central Visayas at dating Secretary ng National Youth Student Bureau.