KORONADAL CITY – Itinuturing ng mga otoridad na isang malaking accomplishment ang pagkakahuli sa isang high-ranking commander ng New People’s Army (NPA) sa bahagi ng Palimbang, Sultan Kudarat.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PMaj. Joel Martinez, hepe ng Palimbang PNP, nahuli ng pinagsanib na mga pwersa ng PNP-12 sa bahagi ng Brgy. Kipungit sa nasabing bayan si Juanito Sargan alyas “Kumander Alvin”, group commander ng Sargan Group ng Daguma Far South Mindanao Region sa ilalim ng Guerilla Front 72.
Ayon kay Martinez, responsable si Sargan sa pananambang sa 2nd Marine Company habang nagsasagawa ang mga ito ng operasyon noong Marso 2017 na ikinasawi ng isang sundalo at ikinasugat ng 9 iba pa.
Sa ngayon ay nasa lockup cell na ito ng Palimbang PNP habang isinampa ang kasong murder at siyam na bilang ng frustrated murder kung saan wala itong piyansang inilaan.